Friday, May 15, 2020

Fine motor/hand exercises

"Gusto kong makahawak ulit kahit baso muna"
"Gusto ko makagalaw yung kamay ko para makahawak ako kubyertos"
"Paano ba ito pagagalawin, maam?"
"Etong kamay nalang naiwan sa akin maam eh, sana gumalaw na ito"

Ito yung mga madalas kong naririnig na sagot kapag tinanong ko sila sa unang oras ng therapy namin kung ano na ba ang goal nila. Madalas, frustrated ang karamihan sa kanila kasi nga naman dalawa ang kamay nila pero hindi nila magamit ang isa. Meron ako na encounter, sa halos 2 taon na naming pag PT ay after 1 year na nya nagalaw yung kamay nya. Bakit nga ba ganun? Meron nga bang ganun? Bakit naiiwan ang kamay lang nya?

Himayin muna natin ang mga tanong nyo isa-isa.

Q1: Bakit nahuhuli gumaling ang kamay?
A: Hindi ko din alam. De joke lang..hehe.. Bakit nga ba? Kasi talagang nahuhuli gumaling yan kasi yun na talaga ang usual pattern ng recovery sa stroke. Minsan yung paa, minsan yung kamay yung huli na reresolve. Pero iba ang sabi nung undergrad ako. Medyo malalim na explanation 'tong gagawin ko pero pwede nyo din naman unti-unting intindihin sa pace nyo.


Cortical homunculus is a distorted representation of the human body, based on a neurological "map" of the areas and proportions of the human brain dedicated to processing motor functions, or sensory functions, for different parts of the body.
IN TAGALOG: 

 Ang drawing sa taas ay isang HOMONCULUS, isa syang distorted "neurological map" na nagrerepresent sa bahagi ng katawan ng tao in relation sa parte ng utak kung saan prinoproseso nito ang galaw, or pakiramdam ng nasabing parte ng katawan.

Representasyon lamang ito ha, para maintindihan ang distribyusyon ng areas ng utak sa mga parte ng katawan natin.

Okay ang hirap nya itagalog in fairness. Pero yun yung thought nun. Obvious naman na ang area ng kamay ang may pinaka malaking sakop jan sa homonculus. Meaning, malaki ang parte ng utak na responsable sa function at sensation ng kamay. Gawin nating basehan itong homonculus bilang mapa ng utak. Magkaroon ng injury sa utak --> isa sa mga areas ng homonculus ang magkakaproblema. Anong mangyayari? edi pwedeng ma paralyze yung area or mawalan ng sensation. Lahat naman ng areas na nasa mapa na yan eh tinatamaan at gagaling din naman kaya lang mas malala at matagal syempre yung recovery ng body part kung saan may pinaka malaki silang sakop na area. Parang nung nagka COVID ang NCR, ang QC ang may pinakamalaking sakop sa NCR. O 'di ba ang tagal din bago maka recover ng QC sa kaso ng COVID? Parang ganun din ang explanation nito.

In short, malaki lang talaga ang area sa utak na sakop ng function ng kamay natin kaya matagal ito makagalaw kapag nagka injury sa utak dahil sa stroke.

Sana nagets mo heheheh.

Q2: Bakit parang manas yung kamay ko?
A: Dahil sa kawalan ng active movement o aktibong pag galaw ng kamay mo dala ng pagka paralisa, yung parte ng katawan mo na paralyzed ay hindi kayang ibalik ang body fluid na naipit sa singit singit nito papunta sa lymph nodes/kulani na nakakalat sa buong katawan mo. Wag ka maalarma, ang kulani ay normal na present sa katawan natin. Hindi lang nagiging normal ito kapag namamaga dahil isa sa signs yun ng impeksyon. Tapos lagi pa naka laylay o nakababa yung kamay mo, so yung fluid na naipon na sa singit singit ng kamay at daliri mo, wala hindi na makabalik sa lymph nodes/kulani mo kasi hindi mo actively mai-pump iyon pabalik gamit ng aktibong pag bukas/sara ng kamay. 

Q3: Posible pa bang makagalaw ang kamay ko kahit 1 year post stroke/ or higit pa ako?
A: Hindi ako mangangako at mag papa-asa pero susubukan natin. Ito ang lagi kong sagot sa mga pasyente ko. Kasi tanging yung phasing ng pag-galing ng utak ang makakapag sabi talaga kung posible yan. Pero sa 3 years in practice ko, may nakitaan na akong ganyan. 1 year post stroke sya pero almost 2 years na kaming nag PT. Ang goal nya? Increase shoulder and hand range of motion on (R) upper extremity. Jusko, kung alam nyo lang ilang 3x a wk sa loob yun ng 1 yr na puro hand movement inaaral nya, isa isang daliri pa ung movement. Pero sulit naman kasi bago mag ECQ, marunong na sya mag full hand opening/closing. 

Exercises

1. Hindi ko magalaw yung kamay ko. Ano po ba ang pwede gawin?

Una sa lahat, dapat mo muna i-warm up  yung kamay mo. Ang utak ng tao ay napaka elastic o stretchable. Marunong mag adapt ang utak sa changes. At nahahati sa dalawa ang hemisphere ng utak mo, kung nagka problema ka sa isang side, may isa ka pang side upang i-train.





a.) Passive hand opening/closing 
b.) forearm pronation/supination

Sa umpisa, puro passive muna ang gagawin ng PT. Tapos from time to time, i ta-try na nating i-command yung pasyente na sya ang gagawa ng movement. Para hindi malito at ma pressure ang pasyente, hinahati ko sa tatlong phase ang classification ng kakayanan nila: initial, halfway, at full


Initial- less than 50% out of 100% of complete range of movement ang kaya; more of sundot lang ng galaw, contraction-like range, maliliit lang na galaw
halfway - 50 % out of 100% of complete range of movement ang kaya; may range pero kalagitnaan lang ng buong normal range ng kabilang limb.
full - 100% of complete range of movement reached; full movement ng walang tulong mula sa therapist.
Sa umpisa, syempre initial lang ang goal natin. Maliit na galaw lang ay isang achievement na. Kasi ibig sabihin, meron nang recovery sa area na yun so paulit -ulit na i ttrain natin yung pasyente hanggang sa ma reach nya yung halfway. Tandaan, kahit sa initial stage palang dapat marunong na mag inhale-exhale ang pasyente para hindi mahilo, tumaas ang BP at mabilis mapagod. Paano nya gagawin yun? Pabilangin mo habang ginagawa nyo yan. Tapos bigyan mo rest periods bawat gawa nyo ng movement.


2. Gusto kong galawin ang kamay ko kaso matigas. Ano pong pwede ko gawin?

A. Paraffin wax bath/ hot compress - Sa rehab facilities lang may paraffin wax bath. Minsan triny ko na tumingin sa online shops kung meron sila, meron naman pero kasi titimplahin mo pa yung wax to oil ratio para magamit mo sya kaya hindi ko na i-eelaborate paano yun. Yan ang kadalasan na prineprescribe ng rehab doctors na gamitin before exercise. Pwedeng substitute yung maligamgam na twalya tapos ibabalot sa kamay. Pero i check nyo from time to time kasi baka mamaya nasusunog na yung kamay ng pasyente. Hindi pa naman sila makaramdam ng buo dahil diba may pamamanhid din sila.

B. ES machine - Isa itong machine na ginagamit para ma target yung muscles ng kamay upang gumalaw. Hindi ko ide-demo yung machine dito dahil dapat PT pa din ang mag-operate nun sa inyo.

C. Icing technique - Kapag sobrang spastic na ng kamay ng pasyente, nag icing na ako. May properties ang cold na nakakapag lessen ng tension sa properties ng ating muscle na ise-send sa control center (brain) kaya nababawasan yung paninigas.


icing kasi matigas yung index at thumb finger nya hindi ma open, then eto yung result ng kamay after icing

3. Kaya ko na mag hand opening/closing kahit hindi pa buo yung range. Nag lessen na din yung paninigas ng kamay ko. Ano na ang pwedeng gawin?

Pwede na mag squeeze ball para i-strengthen yung kamay. Bigyan ng 10-20 reps para pisilin yun. Kung walang ball, pwede sa unan. Pag nakita mong master na yun at naboboringan na or chicken nalang sa pasyente, tsaka ka mag increase ng level of difficulty...




...with cones or paper cups



...with clothespin /sipit



...with peg board



...with ankle weights/ can be replaceable with dumbells or mineral water as pampabigat

3.  Na stroke ako at apektado yung kamay na pinang susulat ko. Makakasulat pa ba ako ulit?

Sa mga ganitong kaso, kung mild stroke lang ang nangyari sa pasyente at kayang makahawak ng panulat pero parang wala lang kontrol ang kamay, sinasanay parin namin sya mag sulat dun sa kamay na gamit nya panulat. Dahil yung flow lang naman ng writing ang i-cocorrect namin. Pero paano kapag 1 year post stroke na at hindi pa din nya na achieve yung tamang dexterity or positioning ng affected hand nya sa pagsusulat? Dito na namin sya trinetrain na magsulat sa kabilang kamay nya.




Ang pag gamit ng mga children's workbook ay isang magandang paraan para i-train sa pagsusulat ang pasyente. Kasi andun lahat yung basics bago matuto magsulat ang bata. Andun yung paano mag draw ng shapes, ng lines, then step-by-step na pag susulat ng letra, paano mag cursive hanggang sa mag form ng buong sentence. Ang madalas kong gamitin na sentence for training ay:

The quick brown fox jumps over the lazy dog

kasi andito na lahat ng letters kaya na pa-practice ng pasyente. Dahil limitado ang oras sa therapy, ginagawa ko ang initial work nya under ng supervision ko tapos sya na ang mag tutuloy sa bahay. Parang homework lang. Hanggang sa matuto sya mag sulat ng buong pangalan nya at pirma nya. 

Marami pang hand trainings na pwede gawin kung tutuusin, maging creative lang sa pag-iisip. Minsan pag mild stroke cases, pinag tatahi ko sila, o di kaya pinag shu-shoot ng beads sa sinulid. Kasi sila may dexterity para humawak ng maliliit na bagay, kontrol lang yung nawala sa kanila.

Sana nakatulong itong article ko! Feel free to ask questions ha :)

0 comments:

Post a Comment